Napasakamay na ng halos 1-milyong low-income Pinoys ang kanilang ayuda matapos maapektuhan ng dalawang linggong pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus.
Ayon ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan pumapalo sa mahigit P1-bilyon ang naipamigay na sa mga naapektuhan ng ECQ noong ika-29 ng Marso hanggang ika-11 ng Abril.
Ipinabatid ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahigit P1.1-bilyong supplemental aid para sa ECQ areas ang ipinamahagi mula ika-7 hanggang ika-9 ng Abril.
Sinabi naman ng DSWD na tuluy-tuloy ang monitoring nila sa pay outs simula ika-7 ng Abril bilang bahagi ng technical assistance nito sa local government units (LGUs).
Patuloy anito ang pakikipag-ugnayan nila sa mga kinauukulang LGUs para matiyak na matatanggap ng halos 23-milyong low income individuals na apektado ng ECQ ang kanilang ayuda.