Nakatakdang bawasan sa mga susunod na araw ang ipinatutupad na 1-metrong physical distancing sa pagitan ng mga pasahero sa mga public utility vehicles (PUVs).
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, ang pagbabawas sa ipinatutupad na physical distancing ay makaraang sang-ayunan ito ng Inter-Agency Task Force (IATF) para makatulong na maitaas pa ang seating capacity ng mga PUVs.
Dahil dito, simula sa ika-14 ng Setyembre, .75 metro na lang ang itatakdang pagitan o distansya ng mga pasahero sa bawat-isa.
Habang bababa pa ito sa mga susunod na linggo mula .5 metro hanggang sa .3 metro.
Sa kaparehong kalatas ng Transportation Department, magpapatupad din ito ng ‘adjusted passenger capacity’ sa mga railway system sa bansa para mas marami ring maserbisyuhan mananakay.
Sa ipatutupad na .75 metro hanggang .3 metrong distansya, inaasahang aakyat sa 300 mula sa 155 ang passenger capacity ng LRT-1.
Nasa 502 passenger capacity naman sa LRT-2 mula sa dating 160 na kapasidad nito sa ilalim ng pinaiiral na 1-metrong distansya.
Habang sa MRT-3 naman ay inaasahang tataas hanggang sa 286 mula sa kasalukuyang passenger capacity nito sa 153.
At, sa Philippine National Railways naman na may passenger capacity na 166 ay inaasaang aangat ng hanggang sa 320.
Samantala, paalala ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa commuters, patuloy na sumunod sa mga pinatutupad na minimum health standard gaya ng pagsuot ng face mask at face shield para makaiwas sa banta ng COVID-19.