Puspusan na ang ginagawang pamamahagi ng ayuda ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong sa mga taga-brangay Mauway.
Ito’y dahil isasailalim ang nasabing barangay sa hard lockdown epektibo 12:00 a.m. ng hating gabi ng Lunes, Mayo 10 na tatagal naman hanggang 11:59 p.m. ng gabi ng Miyerkules, Mayo 13.
Ayon kay Mandaluyong City Mayor Carmelita “Menchie” Abalos, napagpasyahan nila na isailalim sa hard lockdown ang nabanggit na barangay dahil sa nananatiling mataas ang kaso ng transmission ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lugar.
Ikatlo na ang Barangay Mauway sa mga isinailalim sa hard lockdown sunod sa Addition Hills gayundin sa Welfareville Compound na kabilang sa mga matinding nakontamina ng nasabing virus.
Tulad ng mga naunang barangay na isinailalim sa hard lockdown, sinabi ni Abalos na susuyurin nila ang bawat sulok ng Barangay Mauway para i-disinfect.