Isang kilabot na opisyal ng New People’s Army (NPA) ang patay habang isang sundalo naman ang sugatan matapos ang nangyaring bakbakan sa Buenavista, Quezon kahapon ng umaga.
Kinilala ng army’s 2nd infantry division ang nasawing NPA na si Ronnel Batarlo alyas Marwin na siyang itinuturong nasa likod ng pagpatay sa mga pulis sa Brgy. San Juan sa bayan ng San Narciso nuong isang taon.
Ayon kay 2nd I.D. Spokesperson Capt. Jayrald Ternio, nangyari ang bakbakan alas kuwatro ng umaga kahapon sa Sitio Pung-Uy, Barangay Masaya sa nabanggit na bayan.
Nakuha ng mga sundalo sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang M-16 rifle at M-203 granade launcher na nagmula sa panig ng mga kalaban.
Bagama’t hindi pinangalanan, tiniyak ni 2nd I.D Commander M/Gen. Greg Almerol na ligtas at nagpapagaling na lang sa ospital ang nasugatang sundalo.
Kasunod nito, nagpakalat ng checkpoint ang mga tropa ng militar at pulisya sa lugar upang maharang ang mga posibleng kasamahan ng napatay na NPA leader.