Isa ang patay habang 10 ang inaresto sa anti-illegal drugs raid ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar sa ilang bahay sa barangay Culiat, Quezon City kahapon.
Kinilala ng Criminal Investigation and Detection Group ang nasawi na si Emar Allahon Asuad na nanlaban sa mga aarestong pulis.
Ayon kay CIDG Dir. Benjamin Magalong, nakumpiska rin mula sa mga bahay ng ilan sa inarestong sina Jamil Baja, Ibrahim Nabdul, Saud Kamil Mikalid, at Alimad Kausai Sarip ang tatlong M-4 assault rifles, baby armalite, dalawang caliber 45, caliber 38, at mahigit 300 iba’t ibang uri ng bala.
Narekober din, aniya, sa mga sinalakay na bahay ang ilang drug paraphernalia gayundin ang 13 hindi rehistradong motorsiklo.
Nahaharap na sa mga kasong illegal possession of firearms and ammunition at possession of drug paraphernalia ang mga suspek.
By Cris Barrientos / Drew Nacino