Isang person with disability ang patay habang 15 iba pa ang na-ospital makaraang malason sa kinain umanong chicken mami sa Tondo, Maynila.
Kinilala ng Manila Police District ang pwd na si Josefina Manila Argamosa, 43 anyos, residente ng barangay 172, Gagalangin.
Ayon sa MPD, bumula ang bibig at nangitim ang mga kamay ni Josefina matapos kumain ng mami na itinitinda ng kanilang kapitbahay na si Joy Dela Vega Bernando, 45 anyos sa Gapan street.
Nakaranas din nang pagkahilo, pagsusuka at pananakit ng tiyan ang iba pang biktima.
Kabilang din si Bernardo at asawa nito maging ang ina ni Josefina na si Levita sa mga isinugod sa ospital at hinihinalang na-food poison.
Samantala, inihayag ni Aner De La Vega, ina ni Joy, na wala namang ibang inihalong ibang sangkap ang kanyang anak lalo’t halos dalawang dekada na itong nagtitinda ng mami.
Humihingi naman ng paumanhin si De La Vega sa mga biktima at handa rin anya silang makipagtulungan sa mga otoridad.