Patay ang isa katao at tatlong iba pa ang isinugod sa ospital matapos maapektuhan ng Ammonia leak mula sa isang Ice Plant sa Navotas City.
Kaagad ding inilikas sa gilid ng Road 10 ang ilang residente ng Barangay NBBS Kaunlaran kasunod nang nakakasulasok anilang amoy at paninikip ng kanilang dibdib dahil sa Ammonia leak sa nasabing planta na pansamantala munang isinara habang iniimbestigahan pa ang insidente.
Ipinabatid ng BFP navotas na inilikas din nila mula sa planta ang 15 empleyado ng planta kung saan ikatlong beses nang nagkaruon ng ammonia leak.
Ayon sa mga otoridad, mayruong sakit sa puso ang 48 anyos na lalaking nasawi bagama’t inaalam pa kung may kinalaman sa Ammonia leak ang pagkamatay nito.
Nakontrol na rin ang Ammonia leak sa planta matapos ang halos isang oras, bagamat patuloy ang abiso sa mga residente ng huwag lumapit sa planta at magsuot ng face mask.