Patay ang isang security guard habang tatlong iba pa kabilang ang dalawang German nationals ang sugatan sa nangyaring shooting incident sa isang bar sa Cebu City kaninang madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Wilson Bucay at mga sugatan na sina George Lambatan, isa pang security guard ng Infinity KTV and music lounge at mga German na sina Basbach Pauline at Georrings Manuel.
Ayon kay Lambatan, nakarinig na lamang sila ng sunod-sunod na putok sa labas ng bar at nabigo aniyang makatakbo ni Bucay kaya ito napuruhan.
Sinabi naman ni SPO3 Wetzel Berry ng Cebu City Police Office Homicide Section, kanilang iniimbestigahan ang ulat na target ng mga armadong suspek ang papalabas na itim na kotse mula sa parking ng bar.
Kanila rin aniyang inaalam kung sino ang sakay ng nasabing kotse na agad ding humarurot paalis.
—-