Patay ang isang indibidwal habang sugatan naman ang lima pa matapos ang banggaan ng tatlong sasakyan sa National Highway na sakop ng Solano, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang nasawi na si Romnick Domingo, 28-anyos na isinugod pa sa ospital pero idineklarang dead on arrival ng doktor sa Region II Trauma and Medical Center (R2TMC) matapos magkaroon ng matinding pinsala sa ulo at iba pang bahagi ng kaniyang katawan.
Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang lima pang pasahero ng isang kotse na sina Monaliza Castro, 45-anyos; Monette Reyes, 25-anyos; Christian Reyes, 27-anyos; Rommel Castro, 20-anyos; at Aliah Manalo, 18-anyos.
Base sa imbestigasyon, binabagtas umano ng biktimang nasawi ang Mabini St., sakay ng tricycle kung saan, isang victory liner bus ang bigla umanong tumawid sa highway dahilan para mabangga nito ang sinasakyan ng mga biktima kabilang na ang tricycle at nakaparadang kotse.
Iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang naganap na aksidente partikular na ang driver ng bus na si Heherson Valencia, 40-anyos na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to property. —sa panulat ni Angelica Doctolero