Nasawi ang isang katao, habang hindi bababa sa tatlong katao ang sugatan, sa naganap na karambola ng mga sasakyan sa Divisoria sa Maynila.
Mababatid na sangkot sa karambola ng mga sasakyan ang isang kotse, jeep, pedicab, motorsiklo, electric trike (e-trike), at bisikleta.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nawalan ng preno ang sasakyang may plaka na NDL 9295 na isang Hyundai Accent, dahilan para araruhin ang mga kalapit na sasakyan.
Ayon pa sa mga awtoridad, naunang banggain ng kotse ang likurang bahagi ng jeep kaya’t nagpaikot-ikot ito.
Nasawi naman ang driver ng bisikleta matapos din itong araruhin ng kotse.
Natanggal naman ang bubong ng nabanggang e-trike dahil sa lakas ng impact nito.
Kasunod nito, agad namang dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima ng karambola.
Sa ngayon, hawak na ng mga awtoridad ang driver ng Hyundai Accent at kasalukuyan nang sumasailalim sa malalimang imbestigasyon.