Isa ang kumpirmadong nasawi sa naganap na sunog sa Diamond Tower condominium sa Masangkay St. Sta. Cruz Maynila kaninang bago mag-alas-10:00 ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Karen Tan-Caparas, 29-taong gulang na nurse.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), natagpuan ang katawan ng biktima sa loob ng banyo ng kanyang unit sa ika-9 na palapag ng nasabing gusali.
Sinabi ni Fire Senior Supt. Jonas Silvano, fire marshal ng BFP Manila Department, malapit sa fire exit ang kuwarto ng mga biktima kaya’t ipinagtataka nila kung bakit naiwan at na-trap sa loob si Karen lalo’t dalawa sa kanyang mga kasama sa unit ay nakaligtas.
Sa nakuhang impormasyon, natutulog umano ang biktima nang magsimula ang sunog at dahil naalimpungatan pa ang puyat na nurse ay tumakbo umano ito sa banyo.
Inamin ng BFP na nahirapan silang magresponde dahil nasa ika-9 na palapag ang sunog na umabot sa ikalawang alarma.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naging sanhi ng sunog.
TINGNAN:
Diamond Tower na nasunog sa Recto, Maynila; isa ang kumpirmadong nasawi habang nailigtas naman ang 2 katao. | via Aya Yupangco pic.twitter.com/TRz0OyMzVS— DWIZ Newscenter (@dwiz882) January 17, 2019
By Aya Yupangco