Kinumpirma ng Bureau of Corrections (BuCor) na napatay sa engkuwentro ang 1 sa 3 Persons Deprived of Liberty (PDL) na nakatakas sa New Bilbiid Prisons (NBP) kanina.
Ayon kay BuCor Spokesman Asec. Gabriel Chaclag, dead-on-the-spot ang PDL na kinilalang si Pacifico Villaruz, 40 anyos na nakulong dahil sa mga kasong frustrated at attempted murder.
Nakipagbarilan aniya si Villaruz, kasama ang 2 kapwa pugante nito habang nagsasagawa ng manhunt operations ang pinagsanib na puwersa ng BuCor at Philippine National Police (PNP).
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang 9mm pistola na siyang ginamit ni Villaruz sa pakikipagbarilan sa awtoridad gayundin ang mga basyo ng bala.
Sugatan naman ang 2 prison guards na kasama sa manhunt operations matapos ang nangyaring jail break sa maximum security compound ng NBP habang nakatakas ang 2 puganteng kasama ni Villaruz.
Patuloy namang tinutugis ang 2 pang kasama ni Villaruz na sina Arwin Bio Villeza na nahatulan sa kasong murder at Drakilou Yosores na nahatulan naman sa kasong robbery w/ homicide.
Samantala, inihayag naman ng PNP na inalerto na nila ang lahat ng kanilang units para tumulong sa ikadarakip ng 2 nalalabing pugante.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Roderick Alba, naglabas na sila ng all-points bulletin sa National Capital Region Police Office (NCRPO) gayundin sa mga karatig lalawigan nito.
Dahil sentensyado na ang mga ito ani Alba, hindi na nila kailangan pa ng warrant of arrest para dakipin ang 2 na itinuturing nilang armado at mapanganib.