Isa na lamang mula sa naunang nabunyag na limang suicide bombers ng Abu Sayyaf ang patuloy na pinaghahanap ng militar.
Ito ay matapos linawin ni Joint Task Force Sulu spokesperson Lt. Col. Gerald Monfort na isang suicide bomber at hindi bomb maker ang napatay na Abu Sayyaf member na si Nanz Sawadjaan.
Ayon kay Monfort, si Nanz na nakababatang kapatid ng Abu Sayyaf leader na si Hatib Hajan Sawadjaan at ng Tausug bomb maker na si Mundi ay nagboluntaryo mismong maging suicide bomber.
Dagdag ni Monfort, si Nanz ang ika-apat sa limang suicide bombers na tinukoy ni Western Mindanao Command (WESTMINCOM) Commander Lt. General Cirilito Sobejana, kung saan tatlo sa mga ito ang namatay at magkakahiwalay na nagpasabog sa kampo militar sa Indanan, Sulu.
Napatay si Nanz sa engkwentro sa pagitan ng Abu Sayyaf at 41st Infantry Battalion kasama ang 64th Division Reconnaissance Company sa Sitio Tubig Pansol, Barangay Langhub noong Martes. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)