LUMITAW sa ikinasang survey ng isang grupo na isa sa bawat dalawang Pilipino ang naniniwala na magbabalik ang traditional politics sa Pilipinas, sinuman kina Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. o Vice President Leni Robredo ang mananalo bilang pangulo ng bansa.
Sinasabing lumalawak din ang kawalang pag-asa sa mga Pinoy at marami ang nag-iisip na umalis na lamang sa Pilipinas kapag nanalo ang sinuman sa dalawang presidential aspirants.
Ilan lamang ito sa mga pangunahing pananaw mula sa non-commissioned nationwide survey ng Tangere, isang award-winning team na nagbibigay ng real-time actionable market insights, para sa pribado at pampublikong sektor, sa pamamagitan ng teknolohiya, malaking data analytics at kanilang 600K-strong ka-Tangere online community.
“More than half of the respondents at 52 percent, believe that the existence of Marcos-Leni and/or Liberal Party can be considered as a comeback to traditional politics. This belief is driven by NCR residents and those who voted for Roxas in 2016,” ayon kay Martin Peñaflor, CEO and Founder ng Tangere.
Sinabi ni Peñaflor na sa 1,200 respondents mula sa National Capital Region (NCR), Luzon, Visayas, at Mindanao, mayorya ng mga respondent, o dalawa lamang mula sa lima, ang hindi umaasang bubuti ang kanilang pamumuhay sinuman kina Marcos at Robredo ang manalo sa eleksyon.
Maliban dito, lumabas din sa survey na halos dalawa mula sa limang Pinoy, partikular ang mga nasa Class E income bracket o mga mahihirap, ang hindi naniniwala na mababawasan ni BBM o ni Leni ang inequality.
“It is ironic the poorest sector of the economy distrustful of the election early frontrunners considering that both supposedly champion the poor,” sabi pa ni Peñaflor. “A surprising 51 percent of the respondents agree that Leni and BBM are more focused on fighting each other and are looking for alternative leaders who will champion their interest as shown in the research for their preference towards Moreno and Pacquiao.”
Hindi na nakakagulat na dalawa sa limang Pinoy ang nais na mag-migrate ang kanilang mga anak kapag si Leni o si BBM ang nanalo.
Nang tanungin sila kung naniniwala sila na malakas na lider si Marcos Jr. gaya ng kanyang ama, 30 percent ng respondents ang sumagot ng “No.”
Isang babaeng respondent, na ang edad ay nasa pagitan ng 18 at 25, ang nagsabing, “Ang ama n’ya ay tunay na matalino at magaling na strategist. Si BBM ay wala akong alam na matinding kontribusyon sa bansa lalo na nitong pandemic. ‘Di ko s’ya ramdam.”
Habang isa pang babae mula sa NCR, na ang edad ay nasa pagitan ng 36 at 50, ang nagsabi na walang track record si BBM sa pagbibigay ng tulong sa mga Pinoy.
Nabatid na ginawa ang Tangere survey noong December 13, 2021 sa NCR, Luzon, Visayas at Mindanao kung saan plano rin nitong magkasa ng serye ng election surveys na tututok sa pagdiskubre sa mga sentimyento ng mga botante.