(Ulat ni Aya Yupangco)
Nakalabas na ng bansa ang isa sa mga suspek sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio Castillo III.
Ayon sa Bureau of Imigration o BI, lumalabas sa kanilang record na isang Ralph Caballes Trangia ang umalis ng bansa noong Martes, September 19, sakay ng isang Eva Air Flight BR262 na tungong Taipei.
Ito’y isang araw bago iniutos ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang paglalagay sa lookout bulletin kay Trangia at 15 pang miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Una nang pinangalanan ng Manila Police District o MPD si Ralph Trangia, ama nitong si Antonio Trangia at John Paul Solano na principal suspects sa pagkamatay ni Castillo.
Ayon sa MPD kumpirmadong nagbigay ng mali-maling impormasyon si John Paul Solano sa mga imbestigador.
Unang sinabi ni Solano na hindi niya kilala si Castillo pero base sa kuha ng CCTV, nakitang si Solano ang huling kasama ni Castillo at ng iba pang frat members habang naglalakad sa bahagi ng Dapitan Street sa Sampaloc, Maynila.
Napag-alaman din na si Solano ay miyembro ng Aegis Juris Fraternity at siya rin ang nag-recruit kay Castillo na maging miyembro ng nasabing fraternity.
Patuloy ang manhunt operation ng mga awtoridad sa mga suspek.
—-