Hawak na ngayon ng Pasig City Police Office ang isa sa mga suspek sa pagnanakaw ng 30 milyong piso mula sa mag-live in partner na Japanese National at Pinay sa Kapitolyo, Pasig City nitong nakalipas na Sabado.
Ito’y makaraang sumuko sa Lokal na opisyal ng Bulusan, Sorsogon ang suspek na si Galan Roel na itinurn-over naman sa Bulusan Municipal Police Office nuong Disyembre a-21.
Ayon kay Bicol Regional PNP Spokesperson P/Maj. Malou Calubaquib, kahapon ay sumuko na si Roel at dinala muna ito sa Regional Mobile Force Battalion 5 at saka dinala sa Bicol International Airport para ibalik sa Maynila.
Kabilang si Roel kasama ang 4 na pulis Taguig at isang sibilyan na rumansak sa kaha de yero o vault ng biktimang Hapones kung saan nilimas ang laman niyong 30 milyong piso.
Nagpasalamat naman si Bicol PNP Director, P/BGen. Jonnel Estomo sa Bulusan Police sa mabilis na pag-aksyon upang agad maresolba ang kaso. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)