Patay ang isang sanggol, isang bata at kanilang ina sa drug raid na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa bayan ng Rajah Buayan sa Maguindanao.
Ayon kay PO2 Mohammad Ampatuan, magsisilbi sana ng warrant of arrest ang mga kagawad ng 40th Infantry Batalion at Maguindanao Police sa isang bahay sa Barangay Panadtaban nang bigla silang salubungin ng putok at granada mula sa mga suspects.
Matapos ang labanan, natagpuan ng pulisya ang labi ng isang babae na kalaunan ay kinilalang si Normina Tantung, ang kanyang binatilyong anak na si Kadil at isang sanggol, na pawang nasawi dahil sa tama ng sharpnel at bala.
Hindi kalayuan sa bahay ay nakita naman ang labi ng isang lalake na hinihinalang isang drug courier.
Sinabi ni Ampatuan na target sana ng operasyon ang mga kinilalang sina Wally Akil Utto alyas Akung, Ruben Balintutik at isang Kandaw Utto subalit nakatakas di umano ang mga ito kahit na sugatan sa labanan.
Nanlumo naman si Mayor Zamsamin Ampatuan ng Rajah Buayan nang malamang nagpaputok pa ng granada ang suspects kahit pa kasama nila sa loob ng bahay ang kanilang pamilya.
Batay anya sa impormasyon, ginagamit ng suspects ang kanyang bayan bilang transshipment point ng shabu sa Liguasan Marsh at protektado ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang kanilang operasyon.
By Len Aguirre