Patay ang isang sundalo habang patuloy na ginagamot sa Zamboanga City Medical Center ang isa pa matapos ang nangyaring pagsabog sa isang temporary checkpoint sa Campo Uno Lamitan City Basilan.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command Spokesperson Maj. Alfie Alozo, namataan sa lugar ang tatlong lalaking sakay ng motorsiklo kung saan nangyari ang pagsabog na sanhi ng improvised explosive.
Nagawa pang paputukan ng isa sa mga suspek ang mga sundalong sugatan gamit ang Caliber 45 pistol habang nakuha naman ang hawak na baril ng isa pang sundalo.
Agad nagpulasan ang mga salarin pa-direksyon ng Barangay Cabobo na sentro ng ginagawang imbestigasyon habang gumugulong na ang hot pursuit operations laban sa mga salarin.—sa panulat ni Rex Espiritu