Inaprubahan na ng Kongreso ang pagpapalawig ng isang taon sa idineklara at umiiral na martial law sa Mindanao.
Sa isinagawang joint session sa Kamara de Representantes ngayong umaga, kabuuang 240 boto ang pumabor sa martial law extension habang 27 naman ang tutol dito.
Sa panig ng Senado, 14 ang pabor, 4 ang tutol at walang nag-abstain habang sa panig naman ng Kamara, 226 miyembro ang pumabor, 23 ang tutol at walang nag-abstain.
Dumalo rin sa nasabing joint session sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, AFP Chief Rey Guerrero, Executive Secretary Salvador Medialdea at Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra, at iba pang cabinet officials.
Ipinagtanggol ng mga naturang opisyal ang isang taong pagpapalawig sa batas militar dahil sa umano’y hindi pa tuluyang natatapos na rebelyon sa Mindanao sa kabila ng deklarasyon na nakalaya na ang Marawi City.
Tumagal ng mahigit apat na oras ang ginawang paghimay ng dalawang kapulungan ng Kongreso para pagtibayin ang kahilingan ni Pangulong Duterte.
Una rito ay nagpadala ng liham si Pangulong Rodrigo Duterte sa dalawang kapulungan ng Kongreso na humihiling na palawigin pa ng hanggang isang taon ang idineklarang Martial Law sa Mindanao.
Nakasaad sa nasabing liham na kung pagbibigyan, magiging epektibo ang martial law extension mula Enero 1 hanggang Disyembre 31 ng taong 2018.
Binigyang diin ng Pangulo sa kaniyang liham kina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez na kinakailangang mapalawig ang martial law para sa muling pagbangon ng Marawi City matapos ang mahigit limang buwang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at teroristang Maute.
Idinagdag din ng Punong Ehekutibo ang pangangailangang mapalawig ang batas militar upang masupil ang iba pang mga teroristang kumikilos sa iba pang bahagi ng Mindanao kabilang na ang komunistang CPP-NPA na naghihintay lang ng pagkakataon upang umatake.
Nakatakdang mapaso sa Disyembre 31 ang unang extension na iginawad ng Kongreso hinggil sa martial law mula nang mapalaya ang Marawi City sa kamay ng mga terorista noong Oktubre.
Matatandaang May 23, 2017 nang ilabas ng Pangulong Duterte ang Proclamation No. 216 na nagdedeklara ng batas militar sa buong Mindanao dahil na rin sa mga isyung pan-seguridad sa rehiyon.
—-