SAMPUNG incumbent mayor mula sa Lalawigan ng Quezon ang nagpahayag ng pagsuporta sa kandidatura ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kasabay ng pagsasabi na ang BBM-Sara UniTeam lamang ang kanilang pag-asa para sa tunay na pag-unlad ng kanilang probinsya.
Personal na bumisita sa BBM headquarters sa EDSA, Mandaluyong City nitong Huwebes sina Lucban Mayor Oliver Dator, Guinayangan Mayor Cesar Isaac, Jomalig Mayor Rodel Espiritu, at Padre Burgos Mayor Ben Uy Diokno.
Kasama rin nila sina Patnanungan Mayor Roderick Larita, Plaridel Mayor Bernard Tumagay, Burdeos Mayor Freddie Aman, Calauag Mayor Rosalina Visorde, San Francisco Mayor Elvira Alegra at Quezon Mayor Cherry Placio.
Ayon kay Mayor Isaac, asahan na marami pang alkalde ang magdedeklara ng suporta sa tambalan nina Bongbong at Sara.
Ang Quezon Province ay may mahigit sa isang milyong registered voters at sinabi ng 10 alkalde na sa mga susunod na araw, marami pang kapwa nila mayor ang lalabas para ipahayag ang suporta kay Marcos.
Ang lalawigan ay binubuo ng 39 na bayan. Sakop din nito ang Tayabas City na isang component city at ang Lucena City na classified naman bilang isang highly-urbanized city.
Sinabi ng mga mayor na inaayos lamang nila anila ang mga kailangang mga panuntunan at tiyak silang marami pang kasamahan nilang alkalde sa kanilang lalawigan ang papanig sa kampo ni Marcos at Sara.
Sinabi ni Mayor Isaac na ang Quezon province ay itinuturing na ‘balwarte’ ng katunggaling si Leni Robredo dahil malapit ito sa Camarines Sur, pero hindi aniya nangangahulugang solido nitong makukuha ang buong lalawigan.
“Marami kami at madaragdagan pa! Antayin nila ang magiging boses ng taga-Quezon dahil daragsa pa ang suporta kay BBM at Sara,” ani Isaac.
Minalit ni Isaac ang kakayahan ni Leni para manalo sa Quezon dahil mula’t mula ay wala silang naramdaman na tulong mula rito.
“Wala naman talaga siyang (Robredo) naitulong sa amin. Parang wala lang!” dagdag pa ni Isaac.
“Mabuti pa nga kay Senator Marcos tinulungan kami. Pareho sila ni Senator Imee nakatulong agad sa tuwing nasasalanta kami ng bagyo. Dagsa ang tinatanggap naming food packs, mga goods. Lalo kapag may disaster. Lagi niya po kami naaalala,” ayon naman kay Mayor Dator.
Sinabi ni Dator na matagal na siyang nakasuporta sa kandidatura ni Marcos.
Katunayan aniya, kahit noong 2016 national elections, si BBM ang sinuportahan nilang kandidato sa pagka-bise presidente.
“Die hard Marcos na po ako, mula’t mula,” sabi pa niya.
Sinabi ni Isaac na patuloy nilang ilalatag ang sistema ng kampanya ng UniTeam at ipatatrabaho ito sa kani-kanilang mga lider hanggang maiparating sa kahit pinakamalalayong bayan sa probinsiya.
“Saka personal din naming nais maipaliwanag kung ano ang adhikain ng ating Pangulong Bongbong. Ako po ay sumasama dahil pareho kami ng panawagan na magkaroon ng pagkakaisa at siyempre bilang mga lingcod-bayan, ang pinakamahalaga sa lahat ay iyong mga bagay na puwedeng pagtulungan para maipalawig natin ang serbisyo sa mga tao,” sabi pa ni Dator.
“Iyon po siguro ang pinaka-nagustuhan ko sa kanyang panawagan regardless of our political affiliation ang pinakamahalaga ay pag-usapan ang mga bagay na puwedeng pagtulong-tulungan para maiahon sa kahirapan ang tao. Malabanan ang pandemya, maramdaman na mayroong tunay na pagbabago,” sabi pa niya.
Idinagdag nitong labis na nakahahanga kay Marcos ay ang kababaan ng loob.
“Makapagbibigay siya ng halimbawa sa kanyang administration. He will choose among the best na kahit saan ka affiliated ay mahalaga magtulungan tayo para sa ikagaganda ng serbisyo sa taumbayan,” dagdag pa ni Dator.