Humirit ng 10 araw na suspension of military at police operations ang National Democratic Front sa halos 80 barangay sa Bukidnon para sa ligtas na paglaya ng isang pulis sa kamay ng mga komunistang rebelde.
Ayon kay Cesar Renerio, spokesman ng NDF-North Central Mindanao region, pakakawalan lamang nila si Police Officer 2 Anthony Natividad kung ma-gagarantiyahan ang pagpapatupad ng SOMO at SOPO na kanilang hiniling na ipatupad simula kahapon.
Dapat anyang itigil muna ang mga operasyon sa mga bayan ng Talakag, Lantapan, Baungon, Pangantucan at kalilangan maging sa mga lungsod ng Malaybalay at Valencia.
Iginiit din ni Renerio na magdedeklara lamang ang NDF-CPP-NPA ng sarili nitong unilateral ceasefire kung papayag ang mga otoridad sa kanilang mga kondisyon.
Pebrero 9 nang dukutin ng New People’s Army sa barangay Tikalaan, sa bayan ng Talakag si Natividad na nakatalaga sa Kalilangan Municipal Police habang patungong headquarters sa Camp Alagar lulan ng kanyang motorsiklo.
By: Drew Nacino