Inaresto ng Marikina City Police ang sampung indibiduwal dahil sa umano’y pagkakasa nila ng kilos protesta sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).
Kinilala ang mga naaresto na sina Dimple Paz, miyembro ng Lingap Gabriela gayundin sina Lita Malundras at Nel Artizuela, pawang mga guro mula sa Batibot Learning Center at 7 kasamang driver nito.
Batay sa ulat ng Marikina City Police Station, nagpapanggap umano ang grupo na nagsasagawa ng feeding program subalit may bitbit naman ang mga ito na placard na may nakasulat na free mass testing.
Mahigpit ang utos ni PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa sa mga pulis na agad dakpin ang alinmang grupo na magkakasa ng kanilang pagkilos kahit araw ng paggawa dahil sa umiiral na ECQ kung saan ipinagbabawal ang anumang uri ng mass gathering.