Arestado ang sampung (10) armadong kalalakihan na nagtangkang pumasok sa Camp Aguinaldo kaninang 5:30 ng umaga.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief Colonel Edgard Arevalo, hinarang ng mga guwardyang sundalo sa Gate 6 ng kampo ang mga lalaking sakay ng isang van dahil sa suot ng mga itong itim na damit pangtaas na may pare-parehong disensyo.
Nagpakilala umano ang grupo na mga miyembro ng isang Southeast Asia Collective Defense Treaty at inaming may dala silang mga armas.
May ihahatid umano silang letter of request sa tanggapan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ngunit nang beripikahin ng mga otoridad, lumabas na walang appointment ang grupo sa kalihim.
Sa bisa ng umiiral na Commission on Elections (COMELEC) gun ban, inaresto ang mga kalalkihan matapos na walang maipakitang kaukulang dokumento sa kanilang mga bitbit na baril.
Sa ngayon, nasa kustodiya na sila ng Quezon City Police District (QCPD) Station 8.