Sinampahan na ng patung-patong na kaso ang sampung lalaking nagtangkang pumasok sa Kampo Aguinaldo at magtungo sa tanggapan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana noong Lunes, Oktubre 2.
Ayon kay Quezon City Police District Director Guillermo Eleazar, mga kasong illegal possession of firearms, illegal possession of bladed weapons at paglabag sa COMELEC o Commission on Elections election gun ban ang inihain laban sa nasabing mga kalalakihan.
Dagdag ni Eleazar, nagsasagawa na rin sila ng masusing imbestigasyon para matukoy kung may nag-utos sa sampu na pumasok sa Kampo Aguinaldo.
Matatandaang hinarang sa gate ng Kampo Aguinaldo ang sampung nasabing lalaking nagpakilalang miyembro ng ASEAN Anti-communist League of the Philippines matapos mapansing pare-parehong nakasuot ng itim na damit ang mga ito at amining meron silang dalang mga armas.
(Ulat ni Jonathan Andal)