Muling isinailalim ni Navotas City Mayor Toby Tiangco sa enhanced community quarantine (ECQ) ang 10 barangay sa kanilang lungsod.
Ito’y dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga naitatala nilang bagong kaso ng coronavirus diease 2019 (COVID-19) sa lugar na umabot na sa 142.
Kabilang sa mga isasailalim sa ECQ ang mga barangay ng Northbay Boulevard North, Northbay Boulevard South proper, Dagat-dagatan, Kaunlaran, Sipac Almacen, San Jose, Daang Hari, San Roque, Tangos North, at Tangos South
Epektibo ang pagpapatupad ng ECQ sa mga nabanggit na barangay ala singko ng umaga ngayong Sabado, Mayo 23, at magtatagal naman hanggang 11:59 p.m. ng Mayo 31.
Dahil dito, muling hihigpitan ayon kay Tiangco ang pagpapatupad ng quarantine protocols sa mga nasabing lugar kung saan, iisang tao lang ang papayagang lumabas hawak ang quarantine pass para bumili ng pangangailangan tulad ng pagkain at gamot.
Tuloy din ayon kay Tiangco ang pagpapatupad ng scheduling para sa mga mamamalengke bagama’t papayagan pa ring makalabas ang mga tinaguriang frontliner at iyong mga manggagawang kabilang sa mga exempted ng Inter-Agency Task Force (IATF).