Nasa kostudiya na ngayon ng 6th Infantry Battalion ng Philippine Army ang may 10 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Karialan faction.
Ito’y makaraang sumuko ang mga ito sa mga tauhan ng Joint Task Force Central sa mismong headquarters ng Army’s 1st Mechanized Brigade sa Brgy. Kamasi, bayan ng Ampatuan, lalawigan ng Maguindanao kahapon.
Ayon kay Lt/Col. Charlie Banaag, Commanding Officer ng 6th IB, kasamang isinuko ng mga bandido ang anim na matataas na kalibre ng armas tulad ng isang M16 A1 Rifle, isang M1 Carbine Rifle, dalawang Caliber .30 Garand Rifles, isang Caliber .50 Sniper Rifle, at isang RPG.
Iniharap ang mga sumukong BIFF members kay Datu Saudi Ampatuan Mayor Edris Sindatok kung saan, sinabi naman ni 1st Mechanized Brigade Commander Col. Pedro Balisi na malaking dagok para sa mga bandido ang pagsuko ng 10 nilang kasamahan.
Sa kaniyang panig, ibinida ni Joint Task Force Central Commander M/Gen. Juvymax Uy na mula nuong pagpasok ng taong 2021, daan-daang mga bandido na ang sumuko sa kanila dahil sa hirap ng buhay sa kabundukan o maging sa kagubatan dulot ng matinding gutom na dala rin ng pandemiya. —sa panulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)