Aabot sa 10 private catholic schools ang pansamantalang nagsara ngayong school year dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito’y batay sa Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) kung saan, patuloy umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamahalaan para mas mapahusay pa ang polisiya sa pagbibigay ng tulong sa mga pribadong paaralan upang maiwasan ang permanenteng pagsasara ng mga ito.
Ayon kay CEAP Executive Director Jose Allan Arellano, hindi maitatanggi ang epekto ng pandemya sa mga pribadong paaralan sa bansa.
Marami kasi aniyang mga magulang ang naapektuhan ang kanilang hanapbuhay ng pandemya kaya’t apektado rin nito ang budget para sa pambayad ng tuition ng kanilang mga anak.
Gayunman, sinabi ni Arellano na karamihan naman sa mga catholic schools sa bansa ay nasa “stable” na kondisyon habang ang nakararanas ngayon ng hirap ay ang mga maliliit na institusyon na mayroong 100 hanggang 200 estudyante.