Sampung (10) Chinese nationals na nakapasok ng Puerto Princesa sa kabila ng travel ban ang naharang ng otoridad.
Ang 10 Chinese nationals ay sakay ng isang yate na palutang-lutang sa karagatan ng Puerto Princesa, Palawan.
Sa isinagawang imbestigasyon, ipinakita ng isa sa mga Chinese nationals ang kanyang I.D. mula sa kanyang kumpanya at special resident retirees visa na ibinibigay sa mga dayuhan na maaaring magpabalik-balik sa bansa.
Napag-alaman din na mayroong nabiling lupa sa Barangay Concepcion ng Puerto Princesa ang kumpanya ng mga Chinese nationals.
Gayunman, ayon kay Commodore Allan Corpuz ng Philippine Coast Guard (PCG) Palawan Station, nilabag ng Chinese nationals ang safety protocols dahil hindi nila ipinagbigay alam ang kanilang pagdating.
Bukod dito, sa Agosto pa nakatakdang payagan ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhan na may permanent at immigrant visa.
Sinabi ni Corpuz na mananatili muna sa laot ang Chinese nationals habang isinasagawa ang imbestigasyon at tiniyak nya na mananagot sa batas ang Pinoy na sangkot sa ganitong transaksyon.