Umarangkada na ang 10 araw na countdown ng Filipino Nurses United o FNU para sa inaasahang release ng naunsyaming benepisyo ng mga health worker matapos ang itinakdang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay FNU President Maristela Abenojar, sinimulan kahapon ang countdown na magtatapos sa Setyembre 1.
Umaasa anya sila na ni-re-review na ng Department Of Health o DOH ang mga listahan ng mga bibigyan ng special risk allowance o SRA.
Bukod sa SRA, iginigiit din ng mga health worker ang agarang pag-release sa active hazard duty pay, meal allowances, accommodation, transportation, life insurance, death at illness compensation, guidelines at implementasyon ng Hunyo 1 memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea para sa dagdag sahod sa mga nurse hanggang salary grade 16 at ibalik ang demotion sa mga ranggo.
Una nang tiniyak ng DOH na gagamitin nito ang P311 milyon mula sa contingency fund nito upang mamahagi ng SRA sa karagdagang 20K health workers.—sa panulat ni Drew Nacino