Aabot pa sa 10 hanggang 13 bagyo ang inaasahang dadaan sa bansa hanggang Nobyembre.
Ayon kay Esperanza Cayanan, weather service chief ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA sa buwan ng Hulyo ay posibleng maranasan ang dalawa hanggang apat na bagyo.
Samantalang sa Agosto naman ay mula dalawa hanggang tatlong bagyo gayundin sa buwan ng Setyembre at Oktubre habang sa Nobyembre ay may isa hanggang dalawang bagyo na posibleng pumasok.
Kaugnay nito, sinabi ni Cayanan na ginagawa lahat ng PAGASA upang mabigyan ng tamang paalala ang publiko kung sakaling dumating na ang mga nabanggit na bagyo.
Gayunman aminado ang PAGASA na walang magagawa ang kanilang mga paalala sa nararanasang pagbaha lalo na sa Metro Manila sapagkat dahil umano ito sa nagbabarang santambak na basura sa mga estero sa iba’t ibang bahagi ng kalakhang Maynila.
LPA
Samantala, patuloy na binabantayan ng PAGASA ang namataang low pressure area o LPA sa loob ng Philippine Area of Responsibility o PAR.
Huling namataan ito sa layong 655 kilometro silangan hilagang silangan ng Guiuan Eastern Samar.
Ayon sa PAGASA, bagamat mababa lamang ang tiyansa na maging ganap itong bagyo, inaasahan pa rinbg magdadala ito ng mahina hanggang sa katamtamang lakas ng pag-ulan at thunderstorms sa silangang bahagi ng Visayas.
Samantala, patuloy pa ring nakaaapekto sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Batanes at Babuyan Group of Islands ang southwest monsoon o hanging habagat na magdadala rin ng mahina hanggang sa katamtamang lakas ng ulan.
Habang inaasahan naman ang magandang panahon sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa maliban na lamang sa kalat-kalat na mahihinang pag-uulan.
—-