Kumpleto na ang sampung (10) heads of state na dadalo sa 30th ASEAN o Association of Southeast Asian Nations Summit ngayong araw na ito.
Naglatag pa ng red carpet ang gobyerno ng Pilipinas sa tarmac ng NAIA o Ninoy Aquino International Airport para sa mga dumating na pinuno ng mga bansa sa timog silangang Asya.
Bukod pa ito sa military band at honor guards na naka gala uniforms.
Bahagi rin sa pagsalubong ang ilang mga batang nagbigay ng garland at bouquet of flowers sa mga kasamang first lady.
Mag-aalas-2:00 ng hapon nang dumating si Cambodian Prime Minister Hun Sen at sumunod na dumating si Indonesian President Joko Widodo.
Mananatili pa hanggang bukas, araw ng Linggo sa Pilipinas si Widodo na tutulak pa ng Davao City pagkatapos ng ASEAN Summit.
Pasado alas-2:00 ng hapon naman nang magkasunod na dumating ang Myanmar Counselor at Nobel Peace Prize Winner at Vietnam Prime Minister.
Alas-3:00 ng hapon nang dumating sa bansa ang pinuno ng Thailand na sinundan ng punong ministro ng Laos na siyang nag host ng ASEAN Summit noong isang taon.
Pinakahuling dumating sa NAIA Terminal 1 ang lider ng Singapore.
Magugunitang unang dumating sa bansa si Sultan Haji Hassanal Bolkiah ng Brunei dahil isinabay na nito sa pagdalo sa ASEAN Summit ang kanyang state visit sa Pilipinas.
Sumunod na dumating noong Huwebes si Malaysian Prime Minister Najib Razak na may nakalinya nang speaking engagements.
By Judith Larino
*AP Photo