Naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa lalawigan ng Cavite ang may 10 indibiduwal dahil sa umano’y pamimili ng boto sa Bacoor, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang mga naaresto na sina Teresita Marjes, Irene Morales, Elsie Alano, Jayson Alab, Rex Del Rosario, Jose De Leon Dizon, Gregorio Tamio, Michael Omedes, Joselino Villa, Jowel Sale.
Nag-ugat aniya ito sa sumbong ng isang concerned citizen hinggil sa talamak na pamumudmod ng pera ng mga naaresto sa barangay Zapote singko sa nabanggit na bayan.
Nakuha mula sa mga ito ang isang bandel ng maliliit na brown envelope na naglalaman ng tig P200 na may kabuuang halaga na halos P76,000.
Bukod pa ito sa bungkos ng perang nagkakahalaga ng mahigit P83,000, plastic bag na may lamang wristband, 2 t-shirt na may naka-imprentang pangalan Gubernatorial Candidate Jonvic Remulla, Vice Gubernatorial Bet Jolo Revilla at isang party list group gayundin ang isang kulay pulang notebook na nagsisilbing listahan ng mga pangalan.
Sakaling mapatunayan ang paglabag ng sampung mga naaresto, ipaghaharap na ito ng pulisya ng mga kasong paglabag sa umiiral na Omnibus Election Code of the Philippines.
Remulla mariing itinanggi alegasyon ng vote buying
Mariing itinanggi ni Cavite Gubernatorial Candidate Jonvic Remulla ang alegasyong namimili ng boto ang kanilang mga tauhan.
Ito’y makaraang arestuhin ng cidg – cavite ang may sampung taga-suporta ni remulla dahil sa sumbong ng isang concerned citizen hinggil sa talamak na vote buying umano sa Barangay Zapote 5 sa Bacoor City kagabi.
Sa inilabas na pahayag ni Remulla, dumaan sa masusing pagsasanay ang kanilang mga poll watchers at sila’y binibigyan ng travel allowance para sa kanilang pagbabantay sa halalan.
Binigyang diin ni Remulla, ang mga nakuhang pera mula sa mga naaresto ay hindi bilang pambayad sa boto kung hindi pondo para sa mga volunteer poll watchers nila.
Kasunod nito, umapela si Remulla sa pulisya na gawin ang trabaho nito nang may patas na paghatol sa mga sitwasyon at hinikayat pa niya ang mga ito na dumalo sa kanilang isasagawang campaign rally sa susunod na linggo.