Patay ang sampu (10) katao matapos sumabog ang isang van sa checkpoint ng militar sa Sitio Bulanting barangay Colonia Lamitan, Basilan.
Ayon kay Col. Fernando Reyeg, Commander ng Joint Task Force Basilan, isa sa mga nasawi ay regular na miyembro ng militar samantalang apat ang Citizens Armed Forces Geographical Unit o CAFGU.
Nadamay rin aniya ang apat na sibilyan na pawang kapamilya ng mga CAFGU na nasa checkpoint at ang driver ng sumabog na van.
Sinabi ni Reyeg na nakatanggap sila ng impormasyon na may ipapasok na improvised explosive device o IED sa Lamitan kaya’t pina-igting nila ang kanilang checkpoint operations.
Isang kahina-hinalang van aniya ang nilapitan ng tropa na posibleng i-ki-nataranta ng driver kaya’t pinasabog na ang IED.
Ayon kay Reyeg, kinukumpirma pa nila ang report na mukhang dayuhan ang driver ng van at ang posibilidad na suicide bombing ang nangyari.
Kumbinsido naman ang vice mayor ng Lamitan na kung makukumpirmang suicide bombing ang nangyari, posibleng nakalaan sana ito sa Lamitan kung hindi naharang sa checkpoint.
Abu Sayyaf Group
Posibleng kagagawan ng Abu Sayyaf ang pagsabog sa Lamitan Basilan na ikinasawi ng isang sundalo, apat na CAFGU at ilang sibilyan kabilang ang suspek na driver ng sumabog na van.
Ayon kay Lt. Col Gerry Besana, Spokesman ng WESMINCOM o Western Mindanao Command, isa lamang ito sa mga tinitignan nilang anggulo sa pagsabog ng van.
Posible anyang target ng Abu Sayyaf ang army detachment ng Magkawit na hindi kalayuan sa lugar subalit naharang sila sa checkpoint.
Hindi inaalis ni Besana ang posibilidad na madagdagan pa ang bilang ng casualty sa sandaling makumpleto ang report mula sa ground.
Nilinaw ni Besana na hindi maituturing na suicide bombing ang nangyari hanggat hindi nakukumpleto ang imbestigasyon.
Tiniyak naman ni Lt. General Arnel Dela Vega, Commander ng WESMINCOM na gagamitin nila ang buong puwersa ng militar para tugisin at mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng pagsabog.
(Ulat ni Jaymark Dagala)