Sampung mangingisda ang di umano’y dinukot ng pinaniniwalaang miyembro ng Abu Sayyaf sa karagatang sakop ng Sabah, Malaysia.
Sa report ng Star Online, news website sa Malaysia, sakay ng dalawang bangkang pangisda ang mga mangingisda sa Tambisan Waters sa Lahad Datu, Sabah, Malaysia nang i-hijack sila ng mga armadong grupo na sakay ng dalawang speedboats.
Wala pa umanong katiyakan kung ano ang nasyonalidad ng mga biktima subalit posibleng mga Pilipino ito na may hawak na Lepa Lepa documents na na-isyu pa noong 1970’s.
Ang mga biktima ay pinaniniwalaang dinala sa Sitangkai Island sa Mindanao na 15 minutong biyahe lamang ang layo mula sa Tambisan Waters ng Sabah, Malaysia.
Samantala, sinabi ni Sabah police commissioner Datuk Omar Mammah na narinig na nila ang tungkol sa kidnapping subalit wala pa silang natatanggap na opisyal na ulat hinggil dito.