Ngayong Undas kung kailan abala ang lahat sa pagpunta sa kaliwa’t kanang mga sementeryo upang bisitahin ang kanilang mga yumaong mga mahal sa buhay, narito ang ilang mga trivias o dagdag-kaalaman sa ilang mga sementeryo sa Maynila!
Posibleng alam niyo na ang ilan sa mga ito, pero tiyak na mayroon pa ring ilang impormasyon na maaaring ngayon niyo pa lamang malalaman.
Tara, samahan niyo kami hanggang sa dulo ng artikulong ito!
1. La Loma Cemetery (Campo Santo de La Loma)
Alam mo na ba? Isa ito sa pinakamatandang sementeryo sa buong Pilipinas. Noong Spanish colonial period, tumanggi ang La Loma na maglibing ng mga labi ng mga non-Catholics o mga hindi katoliko at mga Pilipinong rebolusyonaryo.
Ngayon mo lang malalaman ‘to! Mayroong isang Japanese artillery gun sa loob nito dahil nagsilbi bilang isang execution site ang La Loma noong panahon ng World War II.
Sino’ng tanyag na personalidad ang nakalibing dito? Josefa Llanes Escoda, isang tagapagsulong ng mga karapatan ng mga kababaihan at founder ng Girls Scouts of the Philippines. Makikita ang kanyang larawan sa isang P1,000-bill.
2. Manila Chinese Cemetery
Alam mo na ba? Binanggit ito sa akda ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere, kung saan iniutos ni Padre Damaso na hukayin ang labi ng ama ni Crisostomo Ibarra at ipalipat dito bilang isa siyang erehe.
Isa rin ito sa dalawang sementeryo (ang isa ay ang Paco Park) na napangalagaan noong panahon ng World War II.
Ngayon mo lang malalaman ‘to! Ayon kay Ivan Man Dy ng Old Manila Walks, ito marahil ang sementeryo na may pinakamalaking koleksiyon ng Art-deco sa buong bansa.
Sino’ng tanyag na personalidad ang nakalibing dito? Mami king Ma Mon Luk at si Apolinario Mabini.
3. Manila North Cemetery
Alam mo na ba? Ito ang pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila —may sukat itong 54-hectares.
Ngayon mo lang malalaman ‘to! Nagsilbi itong tahanan ng mga informal settlers kaya’t mistula itong barangay —ngunit ngayo’y pinaalis na ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga informal settlers at nangako naman ng ayuda para sa mga ito.
Sino’ng tanyag na personalidad ang nakalibing dito? Dating mga pangulo na sina Magsaysay, Osmeña at Roxas (maging ang alagang aso ni Roxas ay nakalibing dito). Dito rin nakalibing ang mga labi ni Quezon bago ito inilipat sa Quezon Memorial Circle; aktor na si Fernando Poe Jr., pintor na si Felix Resurrection Hidalgo, national artists na sina Amado Hernandez at asawa nitong si Atang de la Rama-Hernandez.
4. Paco Park
Alam mo na ba? Bago pa man maging tanyag na lugar ito sa mga open-air concerts, inilalaan ito bilang isang municipal cemetery ng mga aristokratang pamilya noong panahon ng mga Espanyol.
Ngayon mo lang malalaman ‘to! Napanatili rin ang istruktura ng Paco Park noong World War II dahil nagsilbi itong bodega para sa mga armas at suplay ng mga Hapon.
Sino’ng tanyag na personalidad ang nakalibing dito? Dito inilibing ang mga labi ni Dr. Jose Rizal bago ito inilipat sa Luneta Park.
5. Manila South Cemetery
Alam mo na ba? Nasa Makati ang Manila South Cemetery ngunit legal itong kinuha bilang bahagi ng San Andres sa Maynila.
Ngayon mo lang malalaman ‘to! Nasa ilalim pa rin ito ng kapangyarihan ng Maynila. Pinamumunuan naman ng Manila Western Police District ang seguridad nito ngunit kumikilos naman ang Makati Police ng Metro Manila Southern Police District para sa traffic management nito.
Sino’ng tanyag na personalidad ang nakalibing dito? Dating pangulong Elpidio Quirino, nakahimlay ang mga labi nito sa pinaka-gitna ng sementeryo.
6. Libingan ng mga Bayani
Alam mo na ba? Dati itong Republic Memorial Cemetery sa Fort Mckinley. Ang dating pangulong Magsaysay ang nagbigay ng bago nitong pangalan (Libingan ng mga Bayani) upang bigyang-parangal ang mga Pilipinong nasawi sa pagseserbisyo at kapatapat sa bayan.
Kalaunan ay ibinilang na rin dito ang mga national artists at iba pang prominenteng tao.
Ngayon mo lang malalaman ‘to! Natagpuan sa pinakasentro nito ang ‘Tomb of the Unknown Soldier’.
Sino’ng tanyag na personalidad ang nakalibing dito? Dating pangulong Carlos P. Garcia at Diosdado Macapagal.
7. Loyola Memorial Park
Alam mo na ba? Hile-hilera ang mga major food concessionaires dito sa kasagsagan ng panahon ng Undas o tuwing Nobyembre.
Naitala noong 2009 bilang ‘best seller’ ang isang brand ng soft ice cream na ibinibenta sa halagang P10.00/cone.
Ngayon mo lang malalaman ‘to! Ang award-winning na iskultor na si Eduardo Castillo ang nagdisenyo ng ‘The Redemption’ na may taas na 27-meters.
Sino’ng tanyag na personalidad ang nakalibing dito? Master rapper na si Francis M., child actress na si Julie Vega, at aktres na si Nida Blanca.
8. Manila American Cemetery and Memorial
Alam mo na ba? Ito ang pinakamalaki sa lahat ng overseas American military cemeteries.
Ngayon mo lang malalaman ‘to! Disenyo ng arkitektong ni Gardener A. Dailey ng San Francisco ang sementeryong ito.
Sino’ng tanyag na personalidad ang nakalibing dito? Sa higit 17,000 na nakalibing dito, higit 20 rito ay mga WWII Medal of Honor recipients; higit 500 ang Filipino scouts.
9. Manila Memorial Park
Alam mo na ba? Bahagi ng halaga ng bawat lote rito ay napupunta sa isang Trust Fund na ngayo’y pinamamahalaan ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) at ginagamit para sa pangkalahatang pangangalaga at maintenance ng lahat ng Manila Memorial Parks.
Ngayon mo lang malalaman ‘to! Sila ang nauna sa modern cremation sa bansa noong taong 1985.
Sino’ng tanyag na personalidad ang nakalibing dito? Dating pangulong Cory Aquino, dating senador Ninoy Aquino, aktor na si Rico Yan, boxer flash Elorde at beauty queen at aktres na si Chat Silayan.
10. Pet Memorial
Alam mo na ba? Ito ay pinatatakbo ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS). Ang mga pet owners ay nagbibigay ng donasyon na nagkakahalaga ng P500 para sa mga small hanggang medium-size pets at P1,000 bilang bayad naman sa puntod.
Ngayon mo lang malalaman ‘to! Pagmamay-ari ng Manila Electric Co. (MERALCO) ang lupang kinatatayuan nito.
Sino’ng tanyag na personalidad ang nakalibing ang mga alagang hayop dito? Alagang aso ng Philippine Idol Finalist na si Drae Ybañez —’Lucy Pevensie’.