Hawak na ng NBI ang sampung miyembro ng fraternity na sangkot sa pagkamatay ni hazing victim Horacio Atio Castillo.
Kasunod na ito ng kautusan ng Manila RTC na ipaaresto ang mga miyembro ng Aegis Juris fraternity matapos makitaan ng probable cause ang inihaing kaso laban sa mga akusado ng Department of Justice kaugnay sa paglabag sa anti-hazing law na isang non-bailable offense.
Kabilang dito sina Mhin Wei Chan, Jose Miguel Salamat, John Robin Ramos, Marcelino Bagtang Jr., Arvin Balag, Ralph Trangia, Axel Munro Hipe, Oliver Onofre, Joshua Joriel Macabali at Hans Matthew Rodrigo.
Maaaring patawan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo ang mga akusado.
Ayon kay Atty. Ed Canlas, abogado ni Macabali, boluntaryong sumuko ang mga akusado.
Sinabi ni NBI Spokesman Ferdinand Lavin na sumalang na kaagad sa booking procedures ang mga akusado na kinuha nila sa isang lugar bago idiniretso sa death investigation ng NBI.
Sampung miyembro ng Aegis Juris na akusado sa pagkamatay ni UST law student Atio Castillo, sumuko na sa NBI | via Aya Yupangco (Patrol 5) pic.twitter.com/PooGpdNKNz
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) March 23, 2018