Posibleng hindi na kasuhan ng Bureau of Customs (BOC) ang sampung flight attendant ng Philippine Airlines na nahulihan ng mga puslit na sibuyas noong Enero a – 10.
Ayon kay BOC Spokesman at Customs Operation Chief Arnaldo Dela Torre Jr, sa ngayon ay walang isasampang kaso laban sa mga naturang flight attendant alinsunod sa batas.
Ipinaliwanag ni Dela Torre na kinukumpiska lamang ng mga otoridad ang anumang produktong ipinapasok sa bansa na hindi deklarado sa ilalim ng Presidential Decree 433 o plant Quarantine Decree of 1978.
Magugunitang inihayag ng Bureau of Plant Industry na posibleng maharap sa disciplinary sanctions ang sampung flight attendant.
Kabilang sa mga hindi deklaradong agricultural products na ipinuslit ang isang buriki ng sibuyas na tumitimbang ng 27 kilos, lemon at strawberry mula Riyadh, Saudi Arabia at Dubai, United Arab Emirates.
Kamakailan ay pinuna ng ilang senador ang Aduwana dahil pawang maliliit ang hinuhuli gayong maraming container van na kargado ng smuggled na sibuyas at iba pang agri-products ang umano’y pinalulusot sa pier.