Humihingi umano ang negosyanteng si William So Go ng 10 porsyentong kickback sa 81 million US dollars na ninakaw mula sa Central Bank ng Bangladesh.
Ibinunyag ito ni Senate Blue Ribbon Committee Chair TG Guingona matapos isailalim sa executive session ang Branch Manager ng RCBC sa Jupiter St. sa Makati City na si Maia Santos-Deguito.
Sinabi ni Guingona na ang kickback ayon na rin kay Deguito ay para manahimik si Go sa usapin.
Una nang iginiit ni Go sa kanyang pagharap sa senate investigation na wala siyang kinalaman sa kontrobersya at wala siyang account sa RCBC Jupiter Branch bagamat may account sa Trinoma branch ng nasabing bangko.
Ipinabatid pa ni Go sa pagdinig na si Deguito ang nag alok ng nasabing pera para magtuluy-tuloy ang transaksyon subalit tinanggihan niya ito.
Una na ring inihayag ni RCBC Legal Affairs Head Maria Celia Fernandez-Estavillo na ang 81 million US dollars ay napunta sa account ng Philrem, isang foreign exchange brokerage.
East West
Samantala, iginiit ng East West Banking Corporation na hindi ito sangkot sa 81 million dollar international money laundering scam sa kabilang ng pagkakadawit umano ng isa sa kanilang empleyado.
Una nang inamin ng negosyanteng si William Go sa senate hearing noong isang linggo na si East West-Fort Bonifacio Branch Manager Alan Peñalosa ang nag-ayos ng pagkikita nila ni RCBC-Jupiter, Makati Branch Maia Deguito.
Ayon kay East West President at CEO Tony Moncupa Jr., walang anumang transaksyon ang bangko kaugnay sa sinasabing money laundering issue.
Hindi anya nila mabatid kung bakit pilit iniuugnay ng RCBC ang East West tuwing nababanggit ang mga ini-hire na empleyado ng RCBC na nagmula sa East West.
Si Deguito ay dating empleyado ng East West bago nagtrabaho sa RCBC.
By Judith Larino | Drew Nacino