Sampung lalawigan na ang nakapagtala ng “very high” COVID-19 positivity rates o mahigit 20% hanggang nitong July 22 kumpara noong July 16.
Tinukoy ng grupong OCTA Research ang mga probinsya ng Aklan, 32.6%; Capiz, 31.9%; Nueva Ecija, 30.5%; Isabela, 27.8%; Pampanga, 26.1%; Laguna, 26%; Cavite, 24.5%; Tarlac, 24%; Rizal, 22.8% at Antique, 22.2% positivity rate.
Ayon kay OCTA Research Fellow, Dr. Guido David, sumampa rin sa 14% ang one-week positivity rate sa National Capital Region noong July 22 kumpara sa 12.7% noong July 16.
Ang NCR din ang may pinaka-maraming bagong COVID-19 cases sa lahat ng rehiyon 1,327 hanggang kahapon.
Mayorya o 274 new cases ay naitala sa Quezon City; sinundan ng Manila, 159; Makati, 150; Taguig, 121; Parañaque, 114; Pasig, 100 at Las Piñas, 86.
Samantala, sumampa naman sa 16% ang daily positivity rate sa Metro Manila.