Sinampahan na ng kasong homicide ang sampung (10) pulis at tatlong (3) barangay tanod na sangkot sa nabulilyasong operasyon sa Mandaluyong City na ikinasawi ng dalawang (2) sibilyan at ikinasugat ng dalawang iba pa.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Oscar Albayalde, bukod sa dalawang barangay tanod, nagpositibo din sa paraffin test ang mga nasawing biktima na sina Jonalyn Amba-an at kasama nitong si Jomar Jayaon.
Indikasyon aniya ito na nagkabarilan ang grupo ni Amba-an at isang Abdurakman Alfin sa Barangay Addition Hills, noong gabi ng Disyembre 28.
Matatandaang nagpositibo sa paraffin test ang dalawang (2) barangay tanod na kinilala na sina Ernesto Fajardo at William Duron.
Ayon kay Albayalde, base sa initial report ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory nagpositbo ang dalawang tanod sa paraffin test bagamat iginiit nang ilang tauhan ng Barangay Addition Hills na hindi sila kailanman inisyuhan ng baril.