Kinumpirma ng PNP Internal Affairs Service na nagsampa ng kaso si Albuera Leyte Chief of Police Jovie Espinido laban sa 10 pulis na isinasangkot niya sa iligal na droga.
Ayon kay PNP Internal Affairs Service Inspector General Angelo Leuterio, personal na nagtungo noong nakaraang buwan sa Kampo Crame si Espinido bitbit ang mga salaysay ng mga nakuha niyang testigong nagdiriin sa 10 pulis.
Anim (6) sa mga pulis na ito ay pawang mga opisyal na taga Leyte.
Senior Superintendent ang pinakamataas na ranggo habang pinakamababa ay PO1.
Ayon kay Leuterio, nasa pre-charge investigation na ang kaso ng mga ito.
Ngayong buwan, aniya, sisimulan na nilang ipatawag sa Kampo Crame ang 10 pulis para hingan ng salaysay.
Batay sa mga lumabas na ulat, pawang nasa blue book ni Mayor Espinosa ang mga pulis na sinampahan ng kaso ni Espinido
Ang blue book ang siyang listahan ng mga umano’y protektor at kasabwat ng sinasabing drug lord na si Kerwin Espinosa.
By: Avee Devierte / Jonathan Andal