Pormal nang ipinagharap ng reklamo sa Pampanga Provincial Prosecutor’s Office ang 10 Pulis dahil sa kasong pagnanakaw sa bayan ng Bacolor.
Kinilala ni Bacolor Municipal Police Station Chief, P/Maj. Anselmo Pineda ang mga inakusahan na sina P/MSgt. Rommel Nool, PCpl. Resty Delima, P/Cpl. Alvin Pastorin, P/Cpl. Jayarr Macaraeg at P/Cpl. Normal Lazaga.
Gayundin sina Pat. Bjay Sales, Pat. Jayson Martinez, Pat. Jeff Van Cruz, Pat. Jhusua Fernandez, Pat. Bryan Steve Pasquin na pawang mga miyembro ng Intelligence Unit ng Pampanga PNP.
Ayon kay Pineda, Marso a-19 pa nangyari ang krimen subalit kahapon lamang ito pormal na naiulat sa kanila dahil sa takot na balikan sila ng mga kabaro.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na biglang pinasok ng naturang grupo ng mga Pulis ang compound ng isa sa mga nagrereklamong si Alberto Gopez sa Brgy. Duat sa naturang bayan dahil umano sa pagkakasa ng tupada.
Pagpasok umano ng mga Pulis ay kinuha ang pera na may kabuuang halaga na 379,700 piso mula sa may 10 indibiduwal na kasama sa tupada gayundin ang hindi pa matukoy na halaga ng mga ari-arian.
Nang makuha na ng mga Pulis ang mga nabanggit, agad nilang pinalaya kalaunan ang mga nagtutupada, saka bumalik sa kanilang mga sasakyan at umalis patungo sa hindi natukoy na direksyon. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)