Sampu sa mga nakasabay na pasahero ng unang Pilipinong natukoy na nahawaan ng bagong variant ng COVID-19 ang residente rin ng Quezon City.
Ito ang inihayag ni Dr. Rolly Cruz, pinuno ng Quezon City epidemiology and surveillance unit, matapos nilang matanggap ang kopya ng manifesto mula sa Emirates.
Ayon kay Cruz, agad na silang nagsagawa ng contact tracing sa nabanggit na sampung pasahero rin ng lalaking unang natukoy na nahawaan ng UK variant ng COVID-19.
Kanila rin aniyang, titignan kung sumunod ang ito sa quarantine protocols dahil kung pagbabatayan ang petsa ng pagdating nila ng Pilipinas ay dapat nananatili pa rin silang naka-isolate.
Samantala, sinabi ni Cruz na kanila na ring sinimulan ang contact tracing sa natukoy na unang kaso ng UK COVID-19 variant partikular na sa mga nakasalamuha nito bago nagtungo ng Dubai.
Ito ay bagama’t malabo pa rin aniyang sa Pilipinas nito nakuha ang naturang bagong variant lalo na’t negatibo naman ito bago umalis ng Pilipinas.