Muling ipinaalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP ang sampung utos sa tamang pagboto ngayong barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections.
Ayon sa CBCP, mahalaga ito upang maging gabay ng mga botante para sa isang makabuluhan at makatotohanang halalan sa mga barangay.
Unang dapat isaalang-alang ng botante ang isang kandidatong may takot sa Diyos at hindi kailanman iniaalis ang sarili sa pananampalataya.
Ikalawa, hindi dapat ginagamit ng mga kandidato ang pangalan ng Diyos o nagbibitaw ng mga salitang tumutuligsa sa pangalan ng Diyos.
Ikatlo, maliban sa paggalang sa araw ng pagsamba sa Diyos, dapat isinasabuhay din ng kandidato ang pagtulong sa kapwa na siyang tunay na misyon ng isang Kristiyano anuman ang kanyang pananampalataya.
Ika-apat, dapat maging mabuting halimbawa ang isang kandidato at hindi kaanib ng political dynasty upang masupil ang monopolya sa gobyerno.
Ika-lima, dapat maging malinaw sa botante ang paninindigan ng isang kandidato sa pangangalaga ng buhay, hindi pumapatay at lalong hindi sumusuporta sa anumang hakbang na makapamiminsala sa buhay.
Ika-anim, dapat suriin ang paninindigan ng isang kandidato sa usapin ng kasal, diborsyo at kasarian.
Ika-pito, huwag iboto ang mga kandidatong may tatak na sa pagnanakaw sa halip, dapat hanapin ang isang may kakayahang sugpuin ang katiwalian sa pamahalaan.
Ika-walo, huwag iboto ang mga kandidatong sinungaling at mambobola o iyong mga magaling sa pagyayabang o pagpalusot para lamang makaakit ng boto.
Ika-siyam, dapat tingnan kung ang isang kandidato ay namumuhay sa isang masayang pamilya at hindi nasasangkot sa iba’t ibang uri ng iskandalo hinggil sa pakikipagrelasyon o pagpapamilya.
At panghuli, dapat tingnan ang mga kandidatong hindi naninira ng kapwa kandidato, kayang tumanggap ng pagkatalo at handang maging solusyon sa halip na makadagdag sa problema.
—-