Pinalaya na ang 10 volunteers na inaresto ng pulisya matapos mapagkamalang raliyista habang nagsasagawa ng feeding program noong Mayo 1, Labor Day.
Ayon sa grupong Gabriela, walang nakitang matibay na ebidensiya ang prosecutor hinggil sa umano’y paglabag ng 10 volunteers sa batas kaugnay sa communicable disease at illegal assembly.
Sinabi ng grupo, patunay ang pagpapalaya sa 10 volunteers ng kanilang paninindigan na mapigilan ang kriminalisasyon sa pagtulong o bayanihan na pinangungunahan ng komunidad.
Gayundin ang malakas nilang panawagan laban sa mala-martial law at mapaniil na pagpapatupad ng community quarantine.
Una nang hiniling ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro sa pulisya ang pagpapalaya sa 10 dahil wala aniya siyang nakikitang paglabag sa naging aktibidad ng mga ito.