Naniniwala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na hindi banta sa National Security ang pagpasa ng batas na nagkakaloob ng 100% foreign ownership, gaya ng telecommunications.
Ito’y sa kabila ng pangamba ng ilang mambabatas tulad ni Senador Ralph Recto na iginiit na dapat manatiling kontrolado ng mga pilipino sa halip na mga dayuhan, ang mga kritikal na imprastraktura, tulad ng mga telco.
Ayon kay DICT Acting Secretary Emmanuel “Manny” Caintic, wala naman silang nakikitang magiging problema sa foreign ownership ng mga telco dahil saklaw pa rin naman sila ng existing laws.
Titiyakin naman anya ng kagawaran na may regular na cybersecurity checks at susunod pa rin sa mga alituntunin ang mga telco companies.
Ang telecommunications at iba pang public services gaya ng railways, airlines, at logistical facilities ay classified bilang public utilities at sa ilalim ng 1987 Constitution, ang mga dayuhan ay maaari lamang mag-may-ari ng 40% ng public utilities.
Gayunman, sa ilalim ng inamyendahang Commonwealth Act 146 o Public Service Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagpapahintulot ito sa mga dayuhan na tuluyan o ganap na magmay-ari ng mga negosyo sa bansa, kabilang ang telecommunications, airlines at railways.