Posibleng ibalik na sa full capacity ang mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.
Ito ang inirerekomenda ng Department Of Transportation o DOTr sa pamahalaan kung hindi ito magdudulot ng pagtaas ng kaso sa bansa.
Base sa DOTr, isang buwan nilang oobserbahan ang pagpapatupad ng 70 porsiyentong kapasidad sa mga PUVs sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ang mga nabanggit na lugar ay pinili bilang pilot area ng mataas na passenger capacity dahil sa kanilang matataas na vaccination rate.
Sa kabila nito, paiigtingin rin ang pagpapatupad ng mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face shield at facemask, pagbabawal ng pagsasalita at pagkain, maayos na ventilation at madalas na disinfection.
Samantala, pagpupulungan pa ng MRT at DOTr kung palalawigin pa ang operating hours ngayong tinanggal na ang curfew hours sa Metro Manila.