Isandaang paaralan ang magsisilbing pilot areas para sa ipatutupad na mandatory ROTC o Reserved Officers Training Corps sa loob ng dalawang taon.
Ito ayon sa DepEd ay sakaling maipasa ng Senado ang sariling bersyon ng mandatory ROTC at malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging batas bago mag June 7.
Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na suportado niya ang panukalang ibalik ang ROTC para maitatak sa mga bata ang disiplina sa sarili.
Malaki aniya ang gagampanang papel ng DepEd na kasama sa paggawa ng guidelines o mga panuntunan sa pagpapatupad ng mandatory ROTC para sa grades 11 at 12.
Ipinabatid naman ni Education Undersecretary for Administration Alain Pascua na isandaang public at private schools ang nag volunteer bilang pilot areas sa implementasyon ng ROTC.
Inihayag ni Pascua na ang mga nasabing paaralan ay malalapit sa military bases at mayroong malawak na parade grounds.