Nasa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang lamunin ng sunog sa Barangay Baesa, Quezon City.
Ayon sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-10 ng umaga kahapon nang magkasunog sa nabanggit na lugar na tumagal ng halos tatlong oras bago idineklarang fire out alas-12:43 ng tanghali.
Sa pahayag ni Fire inspector Renato Esguerra, manu-manong pinatay ng mga bumbero ang sunog katuwang ang mga residente gamit ang mga timba.
Wala namang nasawi o nasugatan sa insidente kung saan, electrical ang tinitingnan sanhi ng sunog.
Sa ngayon, pansamantala munang nanunuluyan sa isang Covered court ang mga nasunugan.