Nawalan ng trabaho ang nasa 1000 liaison officers matapos na magpatupad ng bagong polisiya ang Department of Foreign Affairs o DFA na nagbabawal sa mga itong makapag-proseso ng pasaporte simula noon pang Agosto.
Ayon kay Dennis de Jesus, Pangulo ng Liaison Officers Association o LOA ikinagulat ng kanilang hanay ang pagbabawal sa kanilang makapasok sa DFA at sa pagkuha ng mga kliyente.
Sinabi ni De Jesus na maging ang mga travel agent ay hindi na rin pinapayagan na makapag-proseso ng passport para sa kanilang kliyente.
“Tatlong buwan po bago namin makuha ang schedule para sa kliyente at ng inalis pa nila ang slot sa hanar ng travel agents at mga liaison officers eh lalo pong tatagal ang pag-aantay ng publiko bago makakuha or maka-pagrenew ng kanilang pasaporte” Ani De Jesus
Idinagdag ni De Jesus na lumiham na sila kay DFA Secretary Alan Peter Cayetano at Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang simula nang sila ay mawalan ng trabaho noon pang buwan ng Agosto subalit wala pa silang nakukuhang tugon.
Umaasa ang grupo na pakikinggan ang kanilang mga hinaing dahil sa maraming pamilya anila ang magugutom sa oras na magtuloy-tuloy ito.
—-